Monday, July 12, 2010

NOY

Cast: Coco Martin, Joem Bascon, Baron Geisler, Cherrie Pie Picache, Erich Gonzales, Vice Ganda; Director: Dondon Santos; Producers: Arnel Nacario, Katherine Catalan; Screenwriter: Francis Pasion; Genre: Drama/ Docu: Distributor: Star Cinema; Location: Manila; Running Time: 100 mins;

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Dala ng matinding kahirapan, si Noy (Coco Martin) ay mamamasukan sa isang malaking TV station bilang isang journalist gamit ang pekeng diploma at ipinagawa sa ibang demo reel. Agad bibilib sa kanya ang producer (Vice Ganda) at ibibigay sa kanya ang isang napakahalagang proyekto- ang dokumentaryo ukol sa kampanya ni Senador Noynoy Aquino. Susundan niya at kakapanayamin ang senador sa pangangampanya nito sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas. Sa simula ng kanyang trabaho’y katakot-takot na pang-iinsulto ang matataggap niya sa producer pagkat pawang hindi niya alam ang trabaho ng isang mamamahayag. Ngunit kalaunan ay magagamay na rin niya ito. Ang paggawa niya ng dokumentaryo ukol kay Senador Noynoy ay magbubukas sa kanya ng marami pang oportunidad at unti-unti’y matutulungan na niya ang kanyang pamilyang nakalubog ang bahay sa tubig baha dala ng bagyong Ondoy. Ngunit habang naaabot na niya ang pangarap na makaahon sa hirap, saka naman magdadagsa ang kanyang problema sa pamilya at pag-ibig. Dagdag pa dito, ang peligro na maaari siyang mabuko sa mga pineke niyang dokumento at maalis sa trabaho.

Isang malaking pagsasayang ang pelikula. Sayang sapagkat kitang pinagbuhusan ng maraming talino ang pagbuo nito. Maraming ninais gawin at ipahiwatig ang Noy ngunit pawang sumabog ito sa kabuuan at hindi naipahatid ang kaukulang mensahe sa mga manonood. Sa umpisa’y kaiga-igayang panoorin ang mga palitan ng eksenesang drama at dokumentaryo. Kahanga-hangang nagawa ng pelikulang pasukin ang mundo sa likod ng mga kampanya ng mga kandidato para sa eleksyon. Ngunit hindi nito naipahiwatig ang nais nitong ipakahulugan. Pawang mahuhusay lahat ng nagsiganap. Yun nga lang, mas magiging epektibo siguro ang pelikula kung hindi mga artista ang ginamit na karakter kundi mga totoong tao na may totoong kuwento. Sadyang mahirap lang papaniwalain ang manonood sa mga bahaging dokumentaryo ng pelikula kapag ipinapalabas na ang kathang-isip na kuwento na ginagampanan ng mga artista. Naging pawang melodramtiko rin ang dating ng maraming eskena na taliwas sa dapat sana’y dokumentaryo nitong pamamaraan ng pagkukuwento. Ang naging resulta tuloy sa bandang dulo’y pagkalito sa kung ano ba talaga ang gustong palabasin ni Noy. Isa ba itong propaganda para sa papasok na pangulo ng bansa? O isa ba itong kuwentong melodramatiko na nagnanais kurutin ang puso ng manonood?

Bagama’t pawang isang malaking propaganda ang pelikula, marami itong ninais ipahiwatig ukol sa pagmamahal sa pamilya at sa bayan. Kahanga-hanga ang karakter ni Noy na handang gawin at isakripisyo lahat alang-alang sa pamilya. Yun nga lang, naging kabaha-bahala pa rin ang kanyang naging pamamaraan. Pinagdusahan man niya ito sa bandang huli’y hindi naging malinaw kung pinagsisihan niya ba ito o hindi. Bagama’t nabanggit din niya’t aminado siya na siya’y kumapit sa kasinungalingan upang maitaguyod ang pamilya, isang malaking katanungan pa rin kung itinuring din ba siyang bayani sa kuwento o hindi. Nariyan din ang maraming isyung pumapalibot sa kahirapan tulad ng droga at krimen. Nakababahalang hindi napaparusahan ang mga tunay na salot ng lipunan. Marahil paraan din ito ng pelikula na ipaabot sa darating na pangulo ng bansa na heto ang kalagayan ng marami sa ating mga kababayan at nararapat lamang na pagtuunan ng pansin. Isang pinaka-nakababahala sa pelikula ay ang pagtatalik sa labas ng kasal na bagama’t nagiging palasak na sa mga kabataan ay talagang nakababala pa rin. Sa bandang huli’y nagsubok ang Noy na magbigay ng pag-asa sa gitna ng kawalang pag-asa. Yun nga lang, sana’y naging mas malinaw pa ang ninais nitong sabihin at hindi nanatili lamang sa idelohikal at astetikong antas na tanging ang mga gumawa lamang ng pelikula ang nakakaintindi at nakakaarok. Dahil sa mabigat nitong tema, minarapat ng CINEMA na angkop lamang ang Noy sa mga manonood na may gulang 14 pataas.

No comments:

Post a Comment