Monday, July 12, 2010

Ang Darling Kong Aswang


Cast: Vic Sotto, Christine Reyes, Jean Garcia, Richie D Horsey; Direction: Tony Reyes; Location: Metro Manila; Genre: Comedy; Distributor: MZet Productions

Technical Assessment : 2.5
Moral Assessment : 2.5
Rating : For viewers of all ages

Ang mag-inang sina Ida (Agot Isidro) at Eliza (Christine Reyes) ay mga aswang na mababait. Sa halip na tao ay mga hayop lamang ang kanilang pinapatay at kinakain. Subalit kinailangan nilang lumikas at lumipat ng tirahan nang makarating ito sa pinuno ng kanilang sektang si Barang (Jean Garcia). Nakituloy sila sa isang kamag-anak sa baranggay kung saan naninirahan din ang biyudong si Victor (Vic Sotto). Mabait at ulirang anak at ama si Victor. Handa siyang isakripisyo ang pag-ibig kung ito ang magiging kagustuhan ng kanyang dalawang anak. Mabuti na lamang at nakasundo ng kanyang mga anak si Eliza kaya’t natuloy ang kasal ni Victor sa dalaga. Ang tanong, matatagalan ba ni Victor ang pagbabagong-anyo ng kabiyak? Gaano katagal maitatago ni Eliza ang pagiging aswang sa bago niyang pamilya? At papaano na kapag natagpuan sila ng kampon ni Barang?

Nakakaaliw ang pelikula at wala pa ring kupas si Vic Sotto sa pagbitaw ng linya. At nakakabilib din ang husay ng mga CGIs at special effects na ginamit dito. Malayo na ang ikinagaling nito kumpara sa mga naunang pelikula. Bukod rito, wala ka nang makikitang dahilan upang panuorin ito. Maraming elemento ang hindi malinaw dahil hindi man lamang ito pinagka-abalahang busisiin. Ang daloy ng kwento at ang mga eksenang ginamit para umusad ang pelikula ay para bang hindi na pinag-isipan. Bago umabot sa sentro ng kwento ay katakut-takot na mga pasakalye at walang saysay na eksena ang ipinakikita. Halos ikatlo ng palabas bago pa magkita at magkatuluyan sina Victor at Eliza. Ubod tuloy ng bagal ang pag-usad ng pelikula. Kulang din ang aspetong malikhain ang pelikula. Una, walang kabuhay-buhay gumanap si Reyes. Kulang ang alindog niya bilang kaakit-akit na dalaga at napakalamya naman niya bilang mabangis na aswang. Bukod pa rito, nakakailang na halatang-halata ang kapal ng make-up ni Reyes bilang isang probinsyanang aswang. Ni hindi man lamang pinag-aksayahan ng panahon turuan ang mga babaeng aswang ng tamang tindig at porma sa pakikipaglaban. Bagamat mahusay magpatawa, mababaw ang pagkakabuo sa katauhan ni Sotto. Siya pa rin ang Sottong napanuod sa Okay Ka Fairy Ko hanggang Iskul Bukol noong nakaraang taon. Sayang lamang ang busisi sa aspetong teknikal dahil napakababaw ng pagkakabuo sa pelikula.

Ang pinakamalaking problema ng pelikulang Pinoy ay ang pagkakatuon lamang nito sa kikitain. Basta’t may sikat na artistang bida at medyo ikakapit at pamagat o istilo ng kwento sa sikat na awitin o naunang palabas, pwede na. Hindi man lamang pagsumikapang tiyakin na malinis, hindi lamang ang teknikal na kalidad, kundi ang pinakamahalagang sangkap ng pelikula—ang takbo ng istorya at paghubog ng mga tauhan.

Sinikap ng Ang Darling Kong Aswang na sundan ang nakakikilig na dalisay na pag-iibigan sa Twilight at New Moon. Magkaibang lahing may iisang tibok ng puso. Sinuong lahat ng panganib at hadlang alang-alang sa pag-ibig. Mainam sana ang mensahe nito, kaya nga lamang, natabunan lamang ito ng mga eksenang patawa at tauhang pang comic relief. May aspetong ispiritwal din sana, kung saan ipinakitang mas mataas ang pananalig sa Diyos kaysa sa anu pa mang makalupang kapangyarihan o lakas. Kaya nga lamang, ewan kung maalala pa ito ng nanuod dahil tila ba paningit na lamang ito ng direktor sa dulong bahagi ng pelikula.

Bagamat maaring panuorin ang pelikula kahit ng mga bata, mas mabuting gabayan sila ng isang responsable at marunong na nakatatandang kasama sa panonood.

No comments:

Post a Comment