Cast: Alessandra de Rosi, Victor Basa, Max Eigenmann, Bing Pimentel, Jay Manalo, Rosanna Roce; Director: Adolf Alix, Jr. ; ; Running Time: 90 minutes; Genre: Drama; Location: Manila
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
Rating: For viewers 18 and above
Si Angel (Alessandra de Rossi) ay namasukan bilang isang high class escort service sa gabi upang matustusan ang sarili sa kanyang pag-aaral sa araw. Makikilala niya si Joseph (Victor Basa), isa ring estudyante na gaya niya at agad itong mabibighani sa kanya. Hindi alam ni Joseph ang lihim na buhay ni Angel sa gabi. Sa gitna ng kanilang umuusbong na pagmamahalan ay ang komplikasyon ng kani-kanilang masasaklap na nakaraan at karanasan sa kani-kanilang mga magulang. Si Angel ay inaabuso noon ng kanyang ama (Jay Manalo), habang si Joseph naman ay pinagmamalupitan ng konserbatibong ina (Bing Pimentel). Ito at ang madilim na lihim ni Angel ang magdadala sa kapahamakan ng kanila sanang pag-iibigan.
Bagamat karaniwan ang kuwento ng Romeo at Juiet, kakaiba pa rin ang dating nito sa pagbibigay ng makabagong koneksyon sa klasikal na nobela ni William Shakespeare. Mahusay ang pagkakatagni ng kuwento na ginamit ang mga kabanata sa nobela upang bigyang kahulugan ang bawat bahagi ng paglalahad sa pelikula. Walang itulak kabigin din ang pag-arte nina de Rossi at Basa, lalo na ang ilang beteranang nagsiganap. Maganda ang kuha ng camera at maayos naman ang pagkakadirehe. May malaking pagkukulang lang ang kuwento sa dahilang hindi gaanong napagigting ang dapat sana'y malalim na pag-iibigan ng dalawang pangunahing tauhan. Hindi masyadong ramdam ang bigat at lalim ng kanilang samahan. Marahil dahil madalas lumihis ang kuwento sa pagmamahalan ng dalawa. Marahil nasobrahan din ang pagpapaliwanag sa ilang bagay na hindi naman sentro ng pelikulla. Tuloy walang gaanong dating ang kinalabasan ng kuwento sa kabuuan.
Bukod sa pagmamahalang mauuwi sa trahedya, mayroong lumulutang na mensahe ang pelikula patungkol sa kinahihinatnan ng isang tao base sa klase ng magulang at pagpapalaki na mayroon siya. Sinasabi nito na malaki ang papel na ginagampanan ng isang magulang sa magiging buhay ng kanilang anak. Sa uri ng pagpapalaki na ito mahuhubog ang kaisipan ng isang bata sa paggawa niya ng mga desisyon sa buhay at ito'y dadalhin niya hanggang sa paglaki. Sa aspetong ito ay may magandang punto ang pelikula dahill pinahahalagahan nito ang papel ng magulang at pamilya sa buhay ng isang tao. Ngunit mayroong kaunting pagmamalabis ang pelikula sa pagpapakita ng maraming eksena na may patungkol sa sekswalidad. Hindi naging malinaw ang tayo ng pelikula ukol sa maraming bagay na bumabagabag sa ating lipunan sa usaping ito. Sa kabuuan, ang pelikula ay maaring mag-iwan ng hindi magandang impluwensiya sa mga batang manonood at tunay naman na maraming maseselan na usapin sa pelikula kagaya ng insesto, pang-aabusong sekswal, pre-marital sex, prostitusyon, pornograpiya, sekswal na dibersyon at marami pang iba. Kaya nararapat lamang ang pelikula sa mga may edad 18 pataas.
No comments:
Post a Comment