Monday, July 19, 2010

100

Cast: Mylene Dizon, Eugene Domingo, Tessie Tomas, TJ Trinidad, Cecille Paz, Ryan Eigenmann; Director: Chris Martinez; Producers: Chris Martinez, Marlon Rivera; Screenwriter: Chris Martinez; Music: Ricci Chan, Brian Cua; Editor: Ike Veneracion; Genre: Drama; Cinematography: Declan Quinn; Distributor: Cinemalaya; Location: Philippines; Running Time: 120 min.;

Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above

Sa gitna ng maningning at matagumpay na karera, malalaman ni Joyce (Mylene Dizon) na siya ay may cancer at may tatlong buwang taning na lang ang buhay. Itatago niya muna ito sa ina (Tessie Tomas) at matalik na kaibigan na si Ruby (Eugene Domingo). Ngunit sa halip na magpadala sa takot at lungkot, gumawa si Joyce ng listahan ng isang daang bagay na nais niyang gawin bago siya mamatay. Karamihan sa mga ito ay patungkol sa mga relasyong hindi mabitiwan at mga sugat na hindi pa naghihilom. Mayroon ding mga mabababaw at malalalim ang kahulugan katulad ng pagpunta sa mga lugar na hindi pa napupuntahan, pagbabalik sa mga lugar na nagbibigay ng mga alaala, paggawa ng mabuti sa kapwa, paghalik sa hindi kilala, pagtulog buong araw, panonood ng sine buong araw, at marami pang iba. Sa pagharap niya at paggawa ng lahat ng ito, kasama niya si Ruby at ang kanyang ina bagama’t hindi lubos na tanggap nito ang kalagayan ng anak. Matupad kaya ni Joyce ang lahat ng isang-daang mga bagay na nais niyang gawin bago siya tuluyang pumanaw?

Mahusay ang pagkakagawa ng 100. May kurot sa puso at may tamang timpla ng drama at komedya. Walang itulak kabigin sa galing si Dizon at Domingo pati na ang iba nilang kasama sa pelikula. Isang bagong pagtingin ang pelikula sa buhay at kamatayan. Maayos ang daloy ng mga eksena at buong-buo ang tema kahit na may ilang eksenang kinunan lamang ng home video camera. Magaganda rin ang mga lugar na ginamit at damang-dama ng manonood na totoong tao ang kanilang pinapanood. Pawang isang pagsilip sa isang mundong moderno, maunlad, pero hindi pa rin nakakatakas sa mga realidad ng buhay tulad ng kamatayan, kabiguan at tagumpay.

Dapat nga ba nating katakutan ang kamatayan? Sa 100, hindi kinatakutan ni Joyce ang kamatayan, bagkus ay hinarap niya ito at tinanggap ng may ngiti sa labi at maluwag ang dibdib. Bagay na bihira nating masasaksihan sa sinuman. Ipinakita ng pelikula na dapat pa ring manalig at dumulog sa Diyos sa gitna ng paghihirap. Yun nga lang, may mga mangilan-ngilang eksenang pawang ginagawang katatawanan ang pananampalataya sa Diyos at ang pagiging dalisay ng kalooban. Para bang ang mga ito ay napaglipasan na at mga “baduy” kung ituring. Nariyan rin ang pakikiapid sa may asawa na halos kunsintihin ng pelikula bagama't binawi rin naman sa bandang huli. May ilang eksena rin kung saan ang mga tauhan ay nagpakita ng hubad na katawan. Bagama’t malinaw ang konteksto, maaring hindi pa rin ito maging akma sa batang manonood. Nanatili namang wagas ang pagkatao ng ibang tauhan tulad ng pari na hindi nagpadala sa tukso.

No comments:

Post a Comment