Cast: Marvin Agustin, Nikki Gil, Lisa Lorena, Techie Agbayani, Tirso Cruz III, Iwa Moto; Director: Raul Jorolan; Writer: James Ladioray; Producer/ Distributor: Tony Gloria/Unitel; Running Time: 110 minutes; Location: Manila; Genre: Drama, Romance;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
Rating: For viewers 14 and above
Nang mapatalsik sa puwesto ang mga Marcos noong 1986, pinasok ng mga taong-bayan ang Malacanang. Kabilang dito ang batang si Lucas (Marvin Agustin) na nagnakaw ng isang pares ng sapatos na pula ni Imelda Marcos. Ibinigay niya ang kanang pares sa kanyang ina (Lisa Lorena) na nagluluksa sa pagkamatay ng kanilang padre de pamilya (Tirso Crus III) at ang kaliwang kapares naman ay ibinigay niya sa kanyang unang babaeng minahal na si Betina (Nikki Gil). Sa kanilang paglaki ay magiging magkasintahan sina Lucas at Betina ngunit sila’y magkakahiwalay bunga ng matinding di-pagkakaunawaan na mag-uugat sa pagtataksil ni Lucas. Samantalang ang ina naman ni Lucas ay panay ang pagkonsulta sa mga ispiritista upang makausap ang kaluluwa ng kanyang amang natabunan sa ginagawang Film Center ni Imelda.
Kakaiba ang kuwentong nais ihatid ng The Red Shoes. Nagawa nitong kilitiin ang imahinasyon ng manonood sa pagkokonekta nito sa mga tunay na pangyayari sa ating kasaysayan. Maayos naman ang pagkakalahad ng kuwento bagama’t magulo sa kabuuan ang mensahe nito. Maganda ang mga kuha ng kamera at ang mga lokasyong ginamit. Kitang-kita na nag-uumapaw sa talinong artistiko ang mga nasa likod ng pelikula. Maganda rin ang intensiyon nilang magbigay ng panibagong putahe sa mga manonood ng pelikulang Pilipino. Mahuhusay naman ang mga nagsiganap, yun nga lang, bihira silang maramdaman bilang mga tunay na tao--dala ng masyadong pag-ayos sa istruktura ng pelikula, lumabas na pawang artipisyal at mukhang mga karikatura ang kanilang mga karakter. Sayang, sapagkat kita naman ang sinseridad ng lahat sa maayos na pagganap.
Sa simula pa lang ay problemado na ang pelikula sa maraming usaping moral. Nariyan agad ang "romanticizing" sa pagnanakaw ng isang bata. Bagama’t walang malisya sa parte ng bata ang pagnanakaw, hindi nililinaw ng pelikula kung ang pagnanakaw ay tama o mali. Maaari ding sinasabi ng pelikula na hindi ito mabuti sa pamamagitan ng pagpapakitang hindi naging maayos ang buhay ng pangunahing tauhan sa kabuuan, subalit ang ganoong mga mensahe ay dapat na dumating ng lubos na malinaw upang hindi nakakalabo sa isipan ng nanonood. Umikot ang kuwento sa iba’t-ibang uri ng pagnanakaw: pang-aagaw ng asawa, pagnanakaw ng sandali ng pagtataksil. Nariyan din ang paniniwala ng ina ni Lucas sa mga ispiritista at ilang mga pamahiin. Ipinakita namang ang gawaing pagtawag ng kaluluwa at paniniwala sa ispirtista ay hindi tama at madalas, ang mga ito’y pawang mga huwad. Hindi rin mabuti na ipinipresenta ng pelikula na katanggap-tanggap ang pagtatalik ng dalawang taong hindi naman kasal. Mabuti na nga lang at wala namang hubaran at malabis na halikan na ipinakita. Nakakabahala nga lang na baka isipin ng mga batang manonood na sapat na dahilan ang pagmamahal upang humantong sa pagtatalik ang relasyon. Sa kabuuan naman ng pelikula ay malinaw ang pinaka-mensahe nito ukol sa pagmamahal, pagpapatawad at pagpaparaya.
No comments:
Post a Comment